Agad na nakapagpyansa si Batangas First District Representative Leandro Leviste matapos lumutang ang warrant of arrest laban sa kaniya na inisyu ng Makati Regional Trial Court Branch 235.
Ayon sa National Bureau of Investigation o NBI, may petsang Oktubre 5 ang warrant at nilagdaan ni Presiding Judge Ricardo Moldez II. Itinakda ng korte sa P72,000 ang piyansa para kay Leviste.
Kaugnay ang warrant ng umano’y paglabag ni Leviste sa Section 25 ng Commonwealth Act No. 146, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659 o Public Service Act.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nakatanggap na ang ahensya ng kopya ng warrant at makikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration kaugnay ng status ni Leviste.
Batay sa mga ulat, nasa France si Leviste kasama ang kaniyang ina na si Senator Loren Legarda matapos umalis umano sila ng bansa noong Agosto 2.
Iniugnay naman ang kaso sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga solar energy project at service contract na konektado sa mga kompanya ni Leviste.
Nauna ring nagsampa ang Department of Energy ng reklamo laban sa kongresista kaugnay ng umano’y paglabag sa mga kondisyon ng legislative franchise ng Solar Para sa Bayan Corporation.











