--Ads--

Inakusahan ni Vice President Sara Duterte ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng political harassment matapos aminin ni DILG Secretary Jonvic Remulla na alam ng mga awtoridad ang kanyang kinaroroonan noong gabi bago siya mapadalhan ng warrant of arrest.

Ayon kay Duterte, tila nagpapatibay umano sa matagal na nilang hawak na dokumento hinggil sa surveillance at harassment operations ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng gobyerno ang pahayag ni Remulla.

Kinuwestiyon din ng bise presidente kung bakit kinakailangan pang puntahan ng mga awtoridad ang kanyang ina at mga anak kung alam naman umano ng mga ito kung nasaan siya.

Giit ni Duterte, hindi siya sumuko agad sa pulisya dahil hindi umano niya nakikitang may sapat na garantiya para sa kanyang kaligtasan habang nasa kustodiya.

--Ads--

Samantala, nilinaw ni Remulla na hindi ilegal o kakaiba para sa DILG na malaman ang kinaroroonan ng bise presidente dahil bahagi umano ito ng kanilang tungkulin.

Inihayag ito ni Remulla matapos mapadalhan ng warrant of arrest si Duterte noong Biyernes kaugnay ng tatlong counts ng grave threats. Noong Sabado, naglagak naman siya ng kabuuang ₱360,000 na piyansa sa Quezon City Regional Trial Court.