Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makakamit ng Pilipinas ang target na 1,200 megawatts (MW) na nuclear power capacity pagsapit ng 2032 upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente.
Sa media briefing sa Singapore noong Oktubre 11, sinabi ni Marcos na posible itong makamit, bagama’t karaniwang inaabot ng anim hanggang pitong taon ang pagtatayo ng nuclear power facilities, kabilang ang pagkuha ng mga permit.
Patuloy aniyang pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga bagong nuclear technology at pakikipagtulungan sa ibang bansa.
Target ng Department of Energy (DOE) na mapataas ang nuclear power capacity sa 2,400 MW pagsapit ng 2035 at 4,800 MW sa 2050.
Bukod sa nuclear energy, pinag-aaralan din ng pamahalaan ang hydrogen at renewable energy upang mabawasan ang pagdepende sa imported fuel at matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa gitna ng paglago ng artificial intelligence at digital economy.











