--Ads--

Pinalawak ng 82 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula Isabela ang kanilang merkado sa pagbubukas ng ikalawang Isabela Best Laku sa Festival Mall Alabang sa Muntinlupa City nitong Oktubre 19 at tatagal hanggang Oktubre 25, na naglalayong ipakilala sa Metro Manila ang mga lokal na produkto, pagkain at turismo ng lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joanne Maranan, Provincial Tourism Officer ng Isabela, sinabi niyang bukod sa pag-promote ng mga produkto at pagkain ng lalawigan, nagsisilbi rin itong market testing upang malaman ang pagtanggap ng mga mamimili sa mga ito.

Mula sa 62 MSMEs noong nakaraang taon, umabot na sa 82 ang kalahok ngayong taon. Ayon kay Maranan, napapanahon din ang aktibidad ngayong papalapit ang Pasko dahil maaari nang mamili ang publiko ng mga produktong maaring gawing regalo.

Mayroon ding libreng food tasting araw-araw mula alas-2 hanggang alas-3 ng hapon at alas-6 hanggang alas-7 ng gabi hanggang Oktubre 25, kung saan tampok ang iba’t ibang pagkaing gawa sa Isabela.

--Ads--

Kabilang sa mga bagong produkto ang tuna pastil at blue marlin pastil mula sa Dinapigue, gayundin ang mga produktong gawa sa yarn at iba pang non-food items. Maging ang mga MSME na dati nang lumahok ay nagpakilala rin ng mga bagong produkto.

Ayon kay Maranan, malaking tulong ang trade fair sa pagpapalawak ng merkado ng mga lokal na negosyo at pagbubukas ng oportunidad para lumago ang kanilang operasyon at makalikha ng trabaho. Isinusulong din ang mga produkto sa ibang bansa upang makahikayat ng mas maraming mamimili.

Patuloy rin ang pagsasagawa ng Provincial Government of Isabela ng mga pagsasanay para sa mga MSME upang mapahusay ang kanilang kakayahan sa negosyo. Inaasahan namang muling maisasagawa ang Isabela Best Laku sa susunod na taon, kung saan maaaring mag-apply ang mga negosyante para sa screening at posibleng pagsali sa programa.