--Ads--

Tinatayang mahigit isandaang pasahero, kabilang ang mga lokal na biyahero at turista, ang naapektuhan ng pagkansela ng mga biyahe sa Batanes dahil sa Bagyong Rosal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roldan Esdicul ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Batanes, sinabi nitong kanselado na mula pa kahapon ang mga biyahe ng eroplano papunta at palabas ng lalawigan, habang ipinatutupad na rin ang sea travel ban dahil sa malalaking alon sa karagatan.

Aniya, patuloy ang kanilang monitoring sa lagay ng panahon, kasabay ng pagbibigay ng mga abiso sa publiko na mag-ingat at maghanda sa posibleng epekto ng bagyo.

Sa kasalukuyan, nakararanas pa rin ng mahinang pag-ulan sa lalawigan, subalit ramdam na ang pagbugso ng hangin at malalaking alon, partikular sa silangang bahagi ng isla ng Batanes.

--Ads--

Samantala, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng mga tour operator at hotel sa tourism office upang matiyak ang kalagayan ng mga turistang hindi makaalis sa lalawigan.

Ayon kay Esdicul, wala pa namang naitatalang nangangailangan ng agarang tulong sa mga stranded na turista, ngunit handa ang mga kinauukulang tanggapan na magbigay ng tulong, kabilang ang pagkain, sa mga nangangailangan.

Tiniyak din ng opisyal na sapat pa sa ngayon ang suplay ng bigas at iba pang pangunahing pagkain sa mga tindahan. May nakaimbak ding family food packs at hygiene kits sa bawat munisipyo, habang may karagdagang suplay ang pamahalaang panlalawigan sakaling kailanganin.

Dahil dito, muling pinayuhan ng PDRRMO ang mga residente na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso habang nararanasan ng lalawigan ang epekto ng Bagyong Rosal.