--Ads--

Nagbunga ng pangakong pansamantalang paghinto sa pag-aangkat ng baboy ang isinagawang protesta ng mga lokal na magbababoy sa harap ng Department of Agriculture (DA), kasunod ng patuloy na pagkalugi ng industriya dahil sa mababang farm-gate price ng lokal na baboy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nonon Tambago, Vice Chairperson ng Pork Producers Federation of the Philippines o ProPork, pansamantalang ihihinto ng DA ang importasyon ng baboy simula Nobyembre 15 sa loob ng dalawang buwan.

Gayunman, iginiit ni Tambago na hindi sapat ang dalawang buwang suspensiyon at dapat itong umabot ng apat na buwan upang mabawasan ang sobrang suplay at matulungan ang mga lokal na magbababoy na makabawi sa kanilang pagkalugi.

Ayon kay Tambago, nasa average na 135 pesos kada kilo ang farm-gate price ng baboy sa buong bansa, habang umaabot naman sa 180 hanggang 195 pesos kada kilo ang production cost.

--Ads--

Dahil dito, maaari umanong umabot sa anim na libong piso ang lugi sa bawat 100-kilong baboy, depende sa lugar kung saan matatagpuan ang operasyon.

Sa Luzon, nasa 140 hanggang 150 pesos kada kilo ang farm-gate price, habang nasa 90 hanggang 120 pesos kada kilo naman sa Visayas at Mindanao.

Iniuugnay ng ProPork ang pagbagsak ng presyo sa pagdami ng murang imported pork na pumapasok sa bansa dahil sa mababang taripa, dahilan upang mas piliin ng merkado ang imported kaysa sa sariwang lokal na karne.

Iginiit din ni Tambago na hindi lamang ang African Swine Fever o ASF ang dahilan ng mababang presyo, dahil aniya, maging sa mga lugar na walang aktibong kaso ng ASF ay mababa rin ang farm-gate price ng baboy.

Babala ng opisyal, kung magpapatuloy ang pagkalugi, mas maraming lokal na magbababoy ang maaaring huminto sa produksyon, na posibleng makaapekto sa suplay ng sariwang lokal na karne sa hinaharap.

Tinatayang nasa 1,200 magbababoy mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang lumahok sa protesta upang igiit ang pagbabalik ng mas mataas na taripa sa imported pork at pansamantalang suspensiyon ng importasyon.

Samantala, sinabi ni Tambago na sapat ang kasalukuyang suplay ng baboy sa bansa, batay sa pahayag umano ng DA na umaabot sa 172 araw ang sobrang imbentaryo ng baboy.

Gayunman, iginiit ng ProPork na kailangan pa rin ang agarang hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang lokal na industriya at matiyak na makapagtutuloy ang produksyon ng mga lokal na magbababoy.