--Ads--

Nagbabala ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) laban sa panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan, dahil maaari itong humantong sa katulad na hakbang laban sa embahador ng Pilipinas sa Beijing.

Ayon kay FFCCCII President Victor Lim, mas mainam na idaan sa maayos na pag-uusap ng Chinese Embassy at ng pamahalaan ng Pilipinas ang umiinit na tensiyon sa halip na magpalitan ng mga akusasyon sa social media.

Binigyang-diin din ni Lim na posibleng maapektuhan ng sigalot ang ugnayang pangkalakalan ng Pilipinas at China, kaya hinimok niya ang magkabilang panig na pakalmahin ang sitwasyon upang hindi maapektuhan ang ekonomiya.

Matatandaang naghain ng resolusyon sa Senado nitong Martes na humihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Jing o hilingin sa pamahalaan ng China na bawiin ang pagtatalaga sa kaniya.

--Ads--

Lumakas ang panawagang ito matapos sabihin ng embahador na madaling mananalo ang Beijing kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.

Bilang tugon, nagbabala ang Chinese Embassy sa posibleng pagganti kung ituturing na hindi kanais-nais ang kanilang mga diplomat. Sa isang pahayag sa Facebook, sinabi nitong maaari ring hindi tanggapin ng China ang mga kinatawan ng Pilipinas.

Samantala, ipinauubaya ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghawak sa usapin. Ayon sa Palasyo, nais ni Pangulong Marcos na mapanatili ang maayos na relasyon ng Pilipinas sa China.

Nauna nang ipinatawag ng DFA si Jing upang ipahayag ang seryosong pagkabahala at mariing pagtutol ng Pilipinas sa kaniyang mga pahayag.

Patuloy na binabantayan ang usapin sa gitna ng pangangailangang mapanatili ang diplomatikong ugnayan at maprotektahan ang interes ng bansa, kabilang ang kalakalan at ekonomiya.