Nasabat ng mga pulis sa isang checkpoint sa San Mateo, Isabela, ang dalawang indibidwal na hinihinalang sangkot sa online payment scam na nagkakahalaga ng ₱19,985 sa Tuguegarao City, Cagayan.
Kinilala lamang ang mga suspek sa alyas na Marko, 26-anyos, at Hannah, 23-anyos, na sakay ng pulang Toyota Veloz nang harangin ng mga awtoridad dakong alas-3 ng hapon noong Oktubre 25 sa Barangay 3, San Mateo.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Tuguegarao Component City Police Station, nangyari ang insidente dakong alas-1 ng hapon sa isang tindahan sa Barangay Buntun, Tuguegarao City.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang 51-anyos na may-ari ng tindahan na kinilalang alyas Elvie ng dalawang notification para sa mga transaksiyon sa Maya na may kabuuang ₱19,985 matapos umanong magpa-cash out ng pera ang isang hindi nakilalang lalaki.
Dahil inakala niyang lehitimo ang mga transaksiyon, ibinigay ni Elvie ang katumbas na halaga ng cash sa lalaki. Kalaunan, nadiskubre niyang hindi na niya ma-access ang kaniyang Maya account kaya naghinala siyang nakompromiso ito at agad na nag-ulat sa pulisya.
Naglabas ng flash alarm ang mga awtoridad sa mga karatig na himpilan ng pulisya upang matunton ang mga suspek at ang sasakyang umano’y ginamit sa insidente.
Nang masabat ang sasakyan sa checkpoint, kinumpirmang si Marko ang nagmamaneho habang si Hannah naman ang sakay bilang pasahero. Kapwa umano residente ng Pasay City ang dalawa.
Dinala ang mga ito sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon, habang isinasagawa rin ang beripikasyon sa sasakyan.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na tiyaking lehitimo ang mga digital payment transaction bago mag-abot ng cash at agad na ireport sa pulisya ang anumang pinaghihinalaang panloloko.
Ang mga alegasyon laban sa dalawang indibidwal ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.






