--Ads--

Isang mabigat na paratang ang isiniwalat sa ginawang pagdinig sa kasong plunder ni Senator Jinggoy Estrada.

Batay sa mga isiniwalat na impormasyon humiling umano si Senador Jinggoy Estrada ng ₱1 bilyong halaga ng mga proyekto para maisama sa 2025 national budget sa pamamagitan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.

Ito ang testimonya ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Sandiganbayan Fifth Division nitong Martes, Oktubre 27, kaugnay ng petisyon ni Estrada para sa piyansa sa kinakaharap na ₱573 milyong plunder case.

Ayon kay Bonoan, una umanong iminungkahi ni Bernardo ang ₱500 milyong halaga ng mga proyekto bago humiling ng karagdagang ₱500 milyon, dahil Senate President Pro Tempore na noon si Estrada.

--Ads--

Gayunman, ₱700 milyon lamang sa naturang ₱1 bilyong kahilingan ang naaprubahan at naisama sa 2025 national budget.

Sa pagtatanong ng abogado ni Estrada, nilinaw ni Bonoan na hindi personal na lumapit sa kaniya ang senador upang humiling ng mga proyekto at wala rin itong lagda sa listahan. Aniya, ang impormasyon ay nagmula lamang kay Bernardo.

Ibinunyag din ni Bonoan na may hiwalay pang ₱7.4 bilyong halaga ng mga proyektong iniugnay kay Estrada, gayundin ang ₱475 milyong halaga ng mga proyektong kasama ang isang miyembro ng Kamara, na kapwa naaprubahan sa 2025 national budget.