--Ads--

Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong planta ng Sazgar Philippines Inc. sa Barangay Mamplasan, Biñan, Laguna nitong Huwebes, Oktubre 29, na gagawa at mag-a-assemble ng mga electric tricycle at iba pang 3-wheelers.

Kayang gumawa ng planta ng hanggang 12,000 sasakyan kada taon at inaasahang makapagbibigay ng trabaho sa mahigit 3,000 Pilipino, gayundin ng dagdag na pagkakakitaan para sa mga lokal na supplier.

Sa unang yugto ng produksyon, 60 porsiyento ng mga gagawing sasakyan ay de-kuryente habang 40 porsiyento naman ay gumagamit ng karaniwang makina na pinatatakbo ng gasolina.

Ayon kay Marcos, kayang bumiyahe ng mga de-kuryenteng tricycle ng Sazgar ng 100 hanggang 210 kilometro sa isang kargahan ng baterya. Inaasahang makatutulong ito sa mga drayber na mabawasan ang kanilang gastusin sa pang-araw-araw na pasada.

--Ads--

Hinimok din ng Pangulo ang kumpanya na gumamit ng mas maraming piyesang gawa sa Pilipinas, tulad ng baterya, salamin, goma at mga materyales para sa upuan, upang makinabang din ang mga lokal na negosyo.

Ang planta sa Biñan ang kauna-unahang pasilidad ng Sazgar sa labas ng Pakistan at inaasahang magsisilbing sentro ng produksyon nito para sa Southeast Asia.