Matagumpay na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang walong tripulante, kabilang ang kapitan, ng motorized banca na M/B Rose Marie 1 matapos itong bahagyang lumubog sa karagatan malapit sa Dalupiri Island, Calayan, Cagayan noong Oktubre 31, 2026.
Limang tripulante ang unang dinala sa baybayin ng Barangay Magsidel at isinailalim sa medical assessment sa Calayan Rural Health Unit (RHU). Sumunod namang nasagip ng ikalawang rescue team ang natitirang tatlong tripulante sa tulong ng M/B Lagadan 1.
Batay sa pagsusuri ng mga doktor, nagtamo ng sugat sa kanang tuhod ang isa sa mga tripulante habang dalawa pa ang sinuri dahil sa hinihinalang hypertension. Lahat ay nabigyan ng kaukulang medical assessment at pangangalaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ENS. Dionisio Mahilum Jr., Public Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi nitong kasalukuyan nilang inaasikaso ang insidente kinasasangkutan ng MV Rose Marie na naiulat na half-submerged matapos pasukin ng tubig habang nasa biyahe.
Ayon kay Mahilum, agad na nagsagawa ng paunang rescue operation ang kanilang mga tauhan matapos matanggap ang ulat. Sinubukan ding hilahin ang cargo vessel gamit ang iba pang bangka, subalit nahirapan ang mga ito dahil sa bigat ng kargamento. Dahil dito, pansamantalang sumilong ang mga sakay sa Barangay Dalupiri habang nakatakdang ipagpatuloy ang operasyon sa susunod na araw.
Nilinaw naman nito na ligtas ang lahat ng crew at iba pang sakay ng cargo vessel. Naglalaman umano ito ng livestock products na ihahatid sana mula Calayan patungong Claveria.
Sa kabila ng insidente, wala pa namang ipinatutupad na no-sail policy ang Coast Guard dahil nananatili pa sa ligtas na antas ang taas ng mga alon sa mga baybayin. Gayunman, nagpapatuloy ang kanilang monitoring at operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Samantala, tuloy-tuloy din ang pagbabantay ng Coast Guard sa mga inbound at outbound passenger sa kanilang Area of Responsibility (AOR), kasabay ng pagsasagawa ng Oplan Biyaheng AYOS.
Mula Oktubre 30, nakapagtala na sila ng 311 outbound passengers at 283 inbound passengers. Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng pagdami ng mga biyahero ang Dilasag, Aurora, gayundin ang Batanes, Cagayan at Calayan.





