--Ads--

Sa paggunita ng Undas, ipinaliwanag ng isang pari ang kahulugan ng exorcism at ang paninindigan ng Simbahang Katolika hinggil sa masasamang espiritu at mga paniniwalang may kaugnayan sa mga ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Kura Paroko ng Our Lady of the Pillar Parish Church Cauayan, sinabi niya na ang exorcism ay kabilang sa mga sacramental ng Simbahang Katolika na naglalayong tulungan at protektahan ang isang tao laban sa impluwensiya ng masasamang espiritu.

Isinasagawa umano ito sa pamamagitan ng mga natatanging ritwal at panalangin ng isang paring itinalaga ng Simbahan upang gampanan ang nasabing tungkulin.

Paliwanag pa niya, hindi dapat maging dahilan ng takot ang exorcism dahil layunin nitong tulungan ang mga taong pinaniniwalaang nakararanas ng panghihimasok ng masasamang espiritu.

--Ads--

Kaugnay nito, binanggit din ng pari ang ilang paniniwala tungkol sa pagkakaroon umano ng masasamang espiritu sa mga tahanan, gayundin ang mga gawaing may kaugnayan sa pag-aalay ng dugo upang maiwasan ang kapahamakan.

Binigyang-diin na mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng mga aral at gawaing kinikilala ng Simbahang Katolika at ng mga pamahiin o paniniwalang namamayani sa ilang komunidad.

Sa paggunita ng Undas, mahalaga aniyang ituon ang pansin sa pag-alala at pagdarasal para sa mga yumaong mahal sa buhay, sa halip na pairalin ang takot sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari.