Target ng isang flower shop sa Cauayan City, Isabela na makagawa at makapagbenta ng hanggang 500 flower arrangements ngayong Undas 2026, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga mamimiling bibili ng bulaklak para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Dahil sa inaasahang mataas na demand, sinimulan na ng flower shop ang paghahanda at paggawa ng mga flower arrangements kahapon, alas-sais ng umaga. Mula noon ay tuluy-tuloy na ang kanilang operasyon upang matugunan ang mga order ng mga customer.
Bukod sa kanilang pangunahing puwesto sa National Highway, Barangay San Fermin, mayroon din silang mga stall sa dalawang pribadong sementeryo sa lungsod upang mas mapadali ang pagbili ng mga bulaklak ng mga dumadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong kaanak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sharlyn Tercero, part-time worker ng flower shop, sapat ang kanilang suplay ng mga bulaklak na nagmula pa sa Iloilo upang matugunan ang inaasahang pangangailangan ng mga mamimili.
Pagdating naman sa presyo, tumaas ng P50 hanggang P100 ang halaga ng ilang uri ng bulaklak kumpara sa dati.
Nasa P600 kada bundle ang Radus at Malaysian flowers, bagama’t maaari ring bumili ng mga ito nang tingi sa halagang P150.
Samantala, P200 ang pinakamurang flower arrangement na siya rin umanong pinakamabenta, habang umaabot naman sa P2,500 ang pinakamahal na disenyo.
Sa kabila ng pagtaas ng presyo, tiniyak ng flower shop na mayroon silang iba’t ibang disenyo at pagpipilian na angkop sa budget ng bawat mamimili.
Para naman mapanatiling sariwa ang mga bulaklak, kailangang nakababad ang mga ito sa tubig at hindi direktang naarawan o naiinitan upang maayos na bumuka at mapanatili ang magandang hitsura.
Tumatanggap din ang flower shop ng reservations at rush orders nang walang karagdagang bayad para sa mga nais magpaunang-order o magpagawa ng flower arrangements kahit malapit na ang Undas.
Nag-aalok din sila ng P50 diskuwento para sa mga bibili ng maramihang flower arrangements.











