--Ads--

Iba’t ibang pakulo ang ginawa ng ilang mga residente sa bayan ng Cabatuan upang mas maging maaliwalas at maganda ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Mayroong ilan na nagtanim ng halaman sa puntod, mayroon ding naglatag ng artificial glass, at maliban dito ay mayroon ding naglagay ng mga plastic flowers upang mas maging long lasting.

Nilagyan din ng mini gate ang ilang puntod subalit karamihan ay gumamit ng mga napinturahang bato na ipinalibot sa mga puntod.

Samantala, hindi naman naging hadlang ang makulimlim na panahon, dahil umaga pa lamang ngayong araw ay marami na ang nagtungo sa sementeryo.

--Ads--

Maliban dito ay mayroon ding mga private group na nakaantabay sa lugar upang mapanatili ang kaayusan at seguridad, tulad na lamang ng Confederation of Ilocano Association Inc. (CIASI).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairwoman Gladys Domingo ng CIASI Cabatuan Chapter, sinabi nito na kabilang sa kanilang mga aktibidad ng kanilang grupo ay ang pamimigay ng libreng kandila sa mga nagtutungo sa sementeryo.

Ilan sa kanilang kasamahan ay tumutulong sa pagmamando ng daloy trapiko.

Aniya, taun-taon nilang ginagawa ang naturang aktibidad tuwing Undas upang makatulong kahit sa simpleng paraan.