--Ads--

Patuloy ang ginagawang monitoring ng mga kapulisan sa Ilagan City Police Station upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ngayong All Saint’s Day.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Noralyn Andal, Deputy Chief of Police ng Ilagan City Police Station, sinabi nito na mayroong 168 deployed personnel ang kanilang himpilan.

Maliban dito ay katuwang din nila sa pagbabantay sa mga sementeryo at ilan pang places of convergence ang iba pang mga ahensya, barangay officials, at force multipliers na sa kabuuan ay aabot sa 536.

Mayroon namang kabuuang 16 sementeryo sa Lungsod ng Ilagan.

--Ads--

Ayon kay Andal, magtatagal hanggang Nobyembre 3 ang deployment ng kanilang mga tauhan. Gayunman, tiniyak nito na magpapatuloy pa rin ang pagbabantay ng mga ito sa mga matataong lugar.

Bagama’t ginugunita ngayon ang Undas at marami ang nagtutungo sa mga sementeryo, nilinaw niya na mahigpit pa rin nilang ipatutupad ang mga umiiral na ordinansa pangunahin na ang panghuhuli sa mga lalabag sa batas trapiko.

Pinayuhan naman niya ang publiko na mag-ingat sa pagmamaneho at ugaliing I-check nang maigi ang bahay bago umalis upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.