--Ads--

Naging mapayapa at maayos ang paggunita ng Undas sa bayan ng Cabatuan, Isabela sa kabila ng pagdagsa ng mga mamamayan sa mga sementeryo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oneil Jay Dumayas, Chief of Police ng Cabatuan Municipal Police Station, sinabi nitong umabot sa 45 pulis ang itinalaga sa iba’t ibang lugar sa bayan, kabilang ang mga sementeryo, national highway, simbahan at palengke.

Katuwang ng kapulisan sa pagpapanatili ng seguridad ang Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mga opisyal ng barangay at iba pang force multipliers.

Ayon kay PMaj. Dumayas, wala silang naitalang seryosong insidente o paglabag sa mga ipinagbabawal sa loob ng mga sementeryo.

--Ads--

Isa lamang sa mga napansing suliranin ang kakulangan ng parking space dahil sa makikitid na kalsada malapit sa ilang sementeryo, dahilan upang may mga sasakyang naparada mismo sa daanan.

Kaugnay nito, nagtalaga rin ng mga pulis, barangay tanod at opisyal ng barangay upang tumulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko.

Tiniyak naman ni PMaj. Dumayas na nagpatuloy ang pagbabantay ng kapulisan hanggang Nobyembre 8 kaugnay ng pagdiriwang ng pista sa bayan. Nanatili rin ang mga responder sa mga sementeryo habang may mga dumadalaw.

Samantala, pinaalalahanan ng kapulisan ang publiko na huwag magdala ng alak, patalim at mga kagamitang maaaring makagambala sa katahimikan ng mga sementeryo, gaya ng malalakas na speaker at videoke.

Pinayuhan din ang mga motorista na huwag magmaneho nang nakainom, habang hinimok ang mga pamilya na alalayan ang mga bata at senior citizen.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagsisiguro sa mga tahanan bago bumiyahe, kabilang ang pagkakandado ng mga pinto at bintana, at pag-iwas sa pagpo-post sa social media na walang tao sa kanilang bahay.