--Ads--

Tiwala ang Malacañang na hindi makaaapekto sa pagdalo ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa nakatakdang summit sa Pilipinas ngayong Nobyembre ang mga naging pahayag kamakailan ng China laban sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga miyembro ng ASEAN at iba pang bansang posibleng lumahok sa naturang pagtitipon.

Sinabi ni Castro na batid ng mga lider ng rehiyon ang pagsisikap ng Pilipinas na mapanatili ang maayos na ugnayan sa mga bansang kalahok.

Samantala, sinabi rin ni Castro na mas makabubuting dumalo si Chinese President Xi Jinping sa summit upang magkaroon ng pagkakataong mapag-usapan at maresolba ang mga isyung kinakaharap ng mga bansa sa rehiyon.

--Ads--

Giit niya, layunin ng naturang pagtitipon na talakayin ang mahahalagang usapin sa rehiyon at humanap ng mga paraan upang maresolba ang mga ito.

Matatandaang inakusahan ni Zhang Xiaogang, tagapagsalita ng Chinese Ministry of National Defense, ang Pilipinas ng pagsira umano sa diwa ng pagiging bukas ng ASEAN at sa lehitimong karapatan ng China bilang dialogue partner.

Nag-ugat ang pahayag sa insidente sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus), kung saan sinalubong ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga dumating na opisyal at kinatawan ng iba’t ibang bansa, maliban sa Chinese defense attaché na si Senior Captain Yang Lei.