Patuloy na inaalam ng mga awtoridad sa United States ang sanhi ng pagbagsak ng isang Bombardier Learjet 60 malapit sa Palm Beach, Florida, na ikinasawi ng siyam na katao.
Isa sa mga sinusuri ng mga federal investigator ang posibleng papel ng 20-anyos na co-pilot na si Nathalia Gadelha Filgueiras sa nangyaring aksidente.
Batay sa paunang impormasyon ng National Transportation Safety Board (NTSB), nakaranas ang eroplano ng matinding turbulence at icing habang lumilipad sa temperaturang umaabot sa -50 degrees Celsius.
Bago ang insidente, humiling ang mga tripulante na umakyat sa tinatayang 37,000 talampakan upang makaiwas sa masamang panahon. Gayunman, kalaunan ay iniulat nila ang pag-iral ng yelo sa eroplano at matinding turbulence.
Tinatayang bumaba ang jet sa bilis na 32,000 talampakan kada minuto bago tuluyang bumagsak. May mga palatandaan ding nagkawatak-watak ito habang nasa himpapawid, dahilan upang kumalat ang mga debris sa lawak na halos kalahating milya.
Nasawi rin sa insidente si Filgueiras, na ilang minuto bago ang aksidente ay nagpadala umano ng mensahe sa kaniyang nobyo tungkol sa icing at turbulence na nararanasan ng eroplano.
Hindi pa matukoy ng mga imbestigador kung sino ang aktuwal na nagpapatakbo sa jet nang mangyari ang insidente.
Patuloy ding sinusuri ng NTSB kung may kaugnayan sa pagbagsak ang pag-iipon ng yelo sa eroplano at kung narekober ang flight recorder o black box.
Dagdag pa rito, nahahadlangan umano ang imbestigasyon dahil bahagyang napuno ng tubig ang bunganga ng lugar kung saan bumagsak ang eroplano.











