Pinaiimbestigahan ng Senado ang patuloy na pagpaslang sa mga tinatawag na environmental defenders sa bansa, o mga indibidwal na nagtatanggol sa kalikasan, lupa at likas na yaman.
Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 697 na inihain ng tanggapan ni Senator Jinggoy Estrada, binigyang-pansin ang ulat ng Global Witness para sa 2026 na nagsasabing Pilipinas ang may pinakamaraming naitalang pagkamatay ng environmental defenders sa Asya sa loob ng 13 magkakasunod na taon.
Ayon kay Estrada, nakababahala na ang mga nasasangkot na biktima ay karaniwang mamamayang ipinaglalaban lamang ang kanilang lupa, kabuhayan at kapaligiran, ngunit nauuwi sa pagkawala ng kanilang buhay.
Binigyang-diin ng senador na hindi dapat ipagwalang-bahala ang patuloy na karahasang ito, lalo’t umabot sa 124 ang mga land at environmental defenders na pinaslang sa iba’t ibang panig ng mundo noong 2025.
Sa tala ng nasabing ulat, 12 kaso ng pagpatay ang naitala sa Pilipinas, ang pinakamataas sa mga bansang nasa labas ng Latin America.
Sa naturang bilang, anim ang kabilang sa mga katutubo, tatlo ang mga magsasaka at isa naman ang isang mamamahayag.







