Pormal nang binuksan noong Nobyembre 2 ang bagong Sangguniang Kabataan (SK) Study Hub sa Barangay San Fermin, Cauayan City, na naglalayong magbigay ng libreng internet access, printing services at tahimik na lugar para sa mga kabataang mag-aaral.
Ayon kay SK Chairman King Adrianne Montemayor, nagsagawa muna sila ng survey sa mga kabataan, partikular sa Purok 8 at ilang bahagi ng Purok 4, upang matukoy ang kanilang mga pangangailangan bago isulong ang proyekto.
Lumabas sa konsultasyon na kabilang sa mga pangunahing suliranin ng mga estudyante ang maingay na kapaligiran sa kanilang komunidad, hindi matatag na internet connection at dagdag na gastusin sa pagpapaprint ng mga school requirements.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Montemayor, sinabi nitong ikinagulat nila ang dami ng mga kabataang nagtungo sa study hub sa unang araw pa lamang ng operasyon, partikular ang mga nangangailangan ng printing services at lugar para mag-review.
Nagsimula ang pagpaplano sa proyekto noong Hunyo sa pamamagitan ng mga pagpupulong ng SK Council. Naaprubahan ito noong Setyembre at natapos ang pagpapatayo ng pasilidad noong huling bahagi ng Oktubre.
Sa kasalukuyan, mayroon nang computer, libreng Wi-Fi access, printing services, portable chargers, mesa at upuan na maaaring gamitin ng mga mag-aaral.
Gayunman, iisa pa lamang ang computer na magagamit sa pasilidad kaya plano ng SK Council na dagdagan pa ang mga kagamitan upang mas maraming estudyante ang mapagsilbihan.
Nagpatupad din ng mga patakaran sa paggamit ng study hub, kabilang ang pagtatala sa logbook at pagpapakita ng identification card. Nililimitahan din ang paggamit ng libreng internet sa mga gawaing may kaugnayan sa pag-aaral.
Ang mga lalabag sa alituntunin ay unang bibigyan ng babala at maaaring pansamantalang mawalan ng access sa Wi-Fi.
May mga nakatalaga ring barangay tanod upang magbantay sa paligid ng pasilidad at tumulong sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga kabataang umuuwi sa gabi.
Inaasahan ng SK Council na makatutulong ang study hub na mabawasan ang gastusin ng mga estudyante at mabigyan sila ng mas maayos na lugar at kagamitan para sa kanilang pag-aaral.





