--Ads--

Arestado ang isang 33-anyos na lalaki na kabilang sa High-Value Individuals (HVI) matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa pagpapatupad ng search warrant sa Barangay Villanueva, San Manuel, Isabela, nitong Nobyembre 3, 2026.

Ang suspek ay walang trabaho at residente ng nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Leonard Mamerga, Chief of Police ng San Manuel Police Station, sinabi nitong matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek dahil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga sa San Manuel at mga karatig-bayan, kung saan umaabot umano sa malaking halaga ang kaniyang mga transaksiyon.

Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang San Manuel MPS, katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office, sa bisa ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

--Ads--

Nakumpiska sa paghahalughog ang tatlong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 2.8 gramo, gayundin ang dalawang walang lamang light-green Doublemint plastic containers.

Nasa kustodiya na ng San Manuel Police Station ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Bagamat pangkalahatang payapa ang bayan ng San Manuel, mayroon pa ring mga indibidwal na sangkot sa pagpapalaganap ng ilegal na droga kaya tiniyak Hepe na hindi titigil ang kapulisan sa pagsasagawa ng mga operasyon upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas.