Hindi umano pangkaraniwan sa Cauayan City, Isabela ang mga insidente ng iresponsableng pagtatapon sa mga labi ng namatay na alagang hayop.
Ito ang nilinaw ni Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinary Officer ng lungsod, kasunod ng kontrobersiyang kinasangkutan ng isang pet crematorium sa Bulacan kung saan basta na lamang itinapon sa bakanteng lote ang mga labi ng mga patay na alagang hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Dalauidao, sinabi niyang mayroon ding natatanggap na ulat ang kanilang tanggapan hinggil sa mga patay na pusang inilalagay sa sako at iniiwan sa kung saan, gayundin ang mga labi ng hayop na itinatapon sa ilog.
Gayunman, hindi umano kasinglala ng naturang insidente sa Bulacan ang mga naitatala sa Cauayan City.
Binigyang-diin ni Dr. Dalauidao na bahagi ng responsableng pet ownership ang maayos na paglilibing sa mga namatay na alagang hayop upang maiwasan ang hindi magandang amoy at abala sa mga residente.
Nilinaw din niyang wala pang pet crematorium sa lungsod kaya hinihikayat ang mga pet owner na ilibing nang maayos ang mga labi ng kanilang alagang hayop sa angkop na lugar.









