Nais ng prosecutors ng International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensya ang naunang testimonya ng apat na testigo na umano’y magpapatunay sa sistematikong pagpatay at pagtatakip sa mga insidente kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa kanilang ikaanim na application, hiniling ng prosecution na maisama sa trial records ang mga pahayag nina P-1136, P-1345, P-1391 at P-1404 na tumatalakay sa paggamit ng drug watchlists, umano’y pamemeke ng police reports, pagtatanim ng ebidensya at pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Ayon sa prosecution, makatutulong ang mga testimonya upang patunayan ang umano’y sistematiko at malawakang paglabag na naganap sa ilalim ng drug war.
Gayunman, kailangan pa ring humarap sa korte ang mga testigo para sa karagdagang pagtatanong at cross-examination ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis kay Duterte sa ICC sa The Hague, kung saan nahaharap siya sa tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng mga alegadong pagpatay at tangkang pagpatay.





