Hinamon ni Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio ang mga nagsampa ng kaso laban sa kaniya na ituloy ang mga reklamo at panindigan ang kanilang mga paratang, sa kabila ng posibilidad na maharap siya sa suspensiyon at pag-aresto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Respicio, sinabi niyang nahaharap siya sa tatlong counts ng suspension at apat na kasong kriminal na kinabibilangan ng public disturbance, oral defamation, grave threat at unjust vexation.
Naniniwala ang bise alkalde na layunin umano ng mga kasong ito na ipakulong at patahimikin siya dahil sa mga alegasyong patuloy niyang inilalantad. Iginiit din niyang walang sapat na batayan ang mga reklamong isinampa laban sa kaniya.
Bilang pagpapakita ng kaniyang paninindigan, sinabi niyang handa siyang harapin ang anumang kahihinatnan ng mga kaso, kabilang ang pag-aresto at suspensiyon sa kaniyang puwesto.
Kinuwestiyon din ni Respicio ang pagsasampa ng reklamo laban sa kaniya ng mga pulis sa halip na isang private complainant. Aniya, kung tunay na nakaramdam ng banta ang mga pulis noong magkaroon ng komosyon sa committee hearing ng Sangguniang Bayan, dapat sana ay inaresto na siya sa mismong insidente.
Samantala, isiniwalat ni Respicio na nakatanggap siya ng impormasyon na magpapadala ang Commission on Audit (COA) ng mga kinatawan nito sa Reina Mercedes, Isabela upang imbestigahan ang kaniyang mga alegasyon.
Mayroon na rin umanong mensahe mula sa kampo ng alkalde na nagpapahayag ng kagustuhang makipag-usap sa kaniya kaugnay ng naturang usapin.
Gayunman, itinuring ito ni Respicio bilang estratehiya lamang ng mga politikong umano’y nakakaramdam na nanganganib ang kanilang pananatili sa kapangyarihan at nais makipagkasundo upang mapanatili ang kanilang mga posisyon.
Samantala, inilarawan din ni Respicio bilang nakalulungkot ang pagkatalo ng mga tobacco farmers sa kanilang panawagang dagdagan ang bahagi nilang matatanggap mula sa excise tax.
Nagpasalamat pa rin naman siyang may nakapagbigay ng P19 Milyon na ipandagdag sa ayuda ng mga tobacco farmers ngunit iginiit niyang tila wala din itong halaga dahil hindi niya naipagtanggol ang kanyang mga kababayang magsasaka.











