--Ads--

Posibleng maagaw ng Democratic Party ang kontrol sa US House of Representatives matapos ang sunod-sunod na panalo sa midterm elections.

Batay sa mga paunang datos, mahigit 100 puwesto na ang nakuha ng Democrats kumpara sa 62 ng Republicans sa mga distritong naiproklama na.

Iniuugnay ang resulta sa pagkadismaya ng mga botante sa ekonomiya at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Samantala, naging mapayapa ang midterm elections sa Oregon, USA, at walang naitalang paninira sa mga ballot drop box.

--Ads--

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, maayos ang paghuhulog ng mga balota at hindi na kinailangang magtalaga ng mga pulis sa lugar.

Aniya, automated ang sistema ng pagboto kung saan sinusuri ng machine ang lagda ng mga botante upang matiyak na lehitimo ang kanilang mga balota.

Kabilang naman sa mga pangunahing isyu sa halalan ang mataas na gastos sa healthcare at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Bilang healthcare worker, sinabi ni Pascual na nananatiling hindi abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan sa kabila ng Affordable Care Act.

Samantala, mas pinipili ng isang botante sa California, USA, ang mga kandidatong may konkretong ambag sa komunidad at malinaw na plataporma, partikular sa edukasyon, kalusugan at pagbubuwis.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Tess Galamay-Shiner, kabilang din sa kaniyang mga batayan ang community outreach at transparency sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Aniya, wala pang limang minuto ang kaniyang pagboto dahil pinaghandaan na nila ito ng kaniyang anak matapos pag-aralan ang mga plataporma at panukala ng mga kandidato upang matukoy kung alin ang higit na makabubuti sa kanilang komunidad.