Umaasa ang isang anti-mining group leader na magiging patas at makabuluhan ang nakatakdang dayalogo sa pagitan ng mga mining company at mga grupong tumututol sa pagmimina sa Kasibu, Nueva Vizcaya, sa pangunguna ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino “Bro Tinong” Daynos, anti-mining group leader, sinabi nitong mahalagang mapakinggan ang magkabilang panig at hindi pumanig ang dayalogo sa interes ng mga mining company.
Ayon kay Daynos, nakapagbibigay-inspirasyon sa kanilang grupo ang mensahe ni Senator Kiko Pangilinan, na ibinahagi rin niya sa social media, partikular sa mga mamamayan at magsasakang patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang komunidad laban sa mga proyektong pagmimina.
Binigyang-diin nito na hindi dapat magmukhang kalaban ng mga mamamayan at magsasaka ang mga ahensya ng pamahalaan, sa halip ay inaasahang magsisilbing tagapagtanggol ng mga mahihina at walang boses.
Kaugnay nito, nais ng grupo na makahingi ng tulong sa senador at sa kanilang kongresista upang mabigyang-pansin ang mga hakbang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamamagitan ng MGB, sa pag-apruba ng mga permit ng mining companies.
Kinuwestiyon ni Daynos kung sapat ang pagsisiyasat sa mga dokumentong isinumite ng mga kumpanya bago aprubahan ang kanilang mga permit.
Dagdag pa niya, umaasa silang magiging tunay at patas ang dayalogo, at hindi ito gagamitin upang paboran ang mga mining company sa kapinsalaan ng mga mamamayan.






