Hinikayat ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 o DA Region 2 ang mga magsasaka na gawing alternatibong pataba ang mga organikong basura upang mabawasan ang gastos sa produksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bernadette T. Galoso, Project Evaluation Officer V ng DA-RFO 2, sinabi nitong maaaring gumawa ng sariling biofertilizer ang mga magsasaka mula sa mga organikong materyales upang mabawasan ang pagdepende sa komersyal na pataba na patuloy ang pagtaas ng presyo.
Kabilang sa mga isinusulong ng DA ang lokal na gawang biofertilizer, likidong pataba at mga pampahusay ng kalidad ng lupa.
Gayunman, nananatiling mahalaga ang balanseng paggamit ng organiko at di-organikong pataba, depende sa pangangailangan ng mga pananim at kondisyon ng lupa.
Binigyang-diin din ang wastong pagproseso ng mga organikong basura at pagbibigay ng teknikal na gabay sa mga magsasaka upang matiyak na ligtas at angkop gamitin ang kanilang sariling gawang pataba.
Layon ng DA na makatulong na mapababa ang gastos sa pagsasaka habang napapakinabangan ang mga organikong materyales.











