Nagrereklamo ang ilang residente sa Barangay San Fernando, Alicia, Isabela dahil sa mahinang water pressure, kawalan ng suplay tuwing umaga at pagbabago ng kulay ng tubig na kanilang natatanggap.
Ito ay kasunod ng liham na ipinadala sa Bombo Radyo Cauayan ng isang concerned resident na humihingi ng paliwanag at agarang aksyon mula sa Alicia Water District o ALWAD.
Sa pag-iikot ng Bombo Radyo Cauayan sa lugar, nakapanayam ang ilang residente na nagbahagi ng kanilang karanasan hinggil sa suplay at kalidad ng tubig.
Ayon kay ALWAD General Manager Jeorge Tomas, batid ng kanilang tanggapan ang problema sa water pressure sa barangay.
Ipinaliwanag niyang isa sa mga dahilan nito ang lokasyon ng pangunahing pumping station sa Antonino at Caloocan, na mahigit tatlong kilometro ang layo sa Barangay San Fernando. Dumaraan pa umano ang tubig sa iba pang consumers bago makarating sa lugar, dahilan upang humina ang pressure.
Mas nararanasan din ito tuwing peak demand, partikular tuwing Sabado at umaga ng mga karaniwang araw.
Samantala, sinabi ni Tomas na regular silang nagsasagawa ng flushing upang matugunan ang discoloration ng tubig, na posibleng may kaugnayan din sa mahinang pressure.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 14 na pumping station ang ALWAD.
Ayon naman kay Water Quality Head Jefferson Rivero, ngayong Nobyembre 5 sisimulan ang paggawa ng gate at base para sa filter tank na ilalagay sa pumping station, na may nakalaang pondong P2.5 milyon.
Target nilang matapos ang proyekto bago matapos ang taon at maging operational sa loob ng 2026.







