Pumalit na bilang pangulo ng Paraguay si dating Vice President Pedro Alliana nitong Biyernes, Nobyembre 6, matapos mapatalsik sa puwesto si Santiago Peña sa pamamagitan ng impeachment kaugnay ng malaking krisis sa pagbabangko na nakaapekto sa milyun-milyong depositor.
Inaprubahan ng Senado ang pagpapatalsik kay Peña matapos siyang ideklarang nagkulang sa pagtupad sa kaniyang mga tungkulin kaugnay ng pagbagsak ng Ueno Bank, na dati niyang nagkaroon ng interes sa pamamagitan ng Grupo Vazquez.
Umabot sa 44 sa 45 senador ang bumoto pabor sa impeachment, habang isa ang hindi nakadalo. Kasunod nito, agad na itinalaga si Alliana bilang kapalit ni Peña at inaasahang mananatili sa puwesto hanggang 2028.
Ilang minuto matapos ang kaniyang pagkakatanggal, inilagay si Peña sa house arrest habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaniyang posibleng pagkakasangkot sa pagbagsak ng bangko. Kabilang sa mga iniimbestigahang alegasyon ang paglabag sa tiwala, paggamit ng impluwensiya at maling paggamit ng pondo.
Tinatayang tatlong milyong depositor, kabilang ang mga pensiyonado, ang nawalan ng access sa kanilang mga account matapos ipailalim sa pangangasiwa ng Central Bank ang Ueno Bank dahil sa mga problema sa kakayahang pinansyal nito.
Nangako naman si Alliana na mababawi ng mga apektadong depositor ang kanilang pera. Sinimulan na rin ng Central Bank ang paunang pagbabayad sa ilang kliyente, na maaaring makatanggap ng hanggang 1,600 dolyar o mahigit ₱90,000.
Samantala, nagtipon ang daan-daang mamamayan sa labas ng Kongreso upang ipagdiwang ang pagpapatalsik kay Peña at igiit ang pagsasauli ng kanilang mga deposito at pananagutan ng mga sangkot sa pagbagsak ng bangko.







