Inaasahang mapalalakas ang seguridad sa suplay ng enerhiya sa bansa kasunod ng pasisimula ng natural gas production mula sa Malampaya Phase 4 sa Batangas City.
Sa seremonya ng unang pagpapadaloy ng natural gas mula sa proyekto, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatutulong ang karagdagang suplay upang mabawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa inaangkat na enerhiya, na sensitibo sa pagbabago ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Sa pamamagitan ng Malampaya Phase 4, inaasahang madaragdagan ng 222 billion cubic feet ang mababawi pang reserba ng natural gas sa bansa.
Katumbas ito ng tinatayang 31.46 billion kilowatt-hours ng kuryente, na sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mahigit 13 milyong kabahayan sa loob ng isang taon.
Inaasahan ding mapahahaba nang humigit-kumulang anim na taon ang operasyon ng Malampaya dahil sa dalawang bagong balon na binuo bilang bahagi ng proyekto.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang pagpapaunlad ng lokal na pinagkukunan ng enerhiya, lalo’t mahigit kalahati ng suplay ng enerhiya ng bansa noong nakaraang taon ay nagmula sa ibang bansa.











