--Ads--

Malaking hamon para kay bagong talagang Chief Justice Rodil Zalameda ang pagpapabilis sa proseso ng paghahatid ng hustisya sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, constitutional lawyer, sinabi nitong marami nang reporma ang ipinatupad ng mga nagdaang punong mahistrado sa hudikatura, subalit nananatiling mabagal ang pagresolba sa mga kasong dinidinig ng mga korte.

Ayon kay Cayosa, hangga’t hindi napabibilis ang pagdedesisyon sa mga kasong nakabinbin mula sa trial courts hanggang sa Korte Suprema, nananatili ang posibilidad na makapasok ang korapsyon at impluwensya ng mga makapangyarihang indibidwal sa sistema ng hustisya.

Nilinaw naman niya na maraming mahistrado ang may integridad at tapat sa kanilang tungkulin, bagama’t hindi maikakaila na mayroon pa ring ilang hukom na nasasangkot sa korapsyon.

--Ads--

Samantala, kinuwestiyon ng ilan ang pagkakatalaga kay Zalameda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa naging papel nito sa pagpapawalang-sala kay dating First Lady Imelda Marcos sa kasong graft.

Gayunman, sinabi ni Cayosa na karapatan ng publiko na punahin at kuwestiyunin ang mga desisyon ng mga opisyal ng pamahalaan. Subalit hindi na aniya mababago ang naging pasya ng Pangulo dahil saklaw ng kaniyang kapangyarihan ang paghirang ng bagong punong mahistrado alinsunod sa batas.

Dahil dito, wala aniyang batayan upang kuwestiyunin ang legalidad ng pagkakatalaga kay Zalameda.