--Ads--

Pinasok ng mahigit 100 demonstrador ang lugar na pinagtatayuan ng data center ng Microsoft sa Amsterdam, Netherlands, nitong Biyernes, Nobyembre 6, upang tutulan ang pagpapalawak ng mga pasilidad na ginagamit para sa artificial intelligence (AI).

Ilan sa mga raliyista ang umakyat sa mga construction crane at nagsindi ng mga flare habang nagbitbit naman ang iba ng mga plakard na nananawagan na itigil ang proyekto.

Aabot sa 150 hanggang 200 demonstrador ang inaresto ng mga pulis dahil sa umano’y ilegal na pagpasok sa construction site. May isang pulis ding naiulat na nasugatan sa insidente.

Ayon sa mga grupong nagsagawa ng protesta, labis na konsumo sa kuryente at tubig ng mga data center ang isa sa kanilang pangunahing ikinababahala. Posible rin umanong makadagdag ang mga ito sa suliranin sa kapaligiran at magpalala sa epekto ng climate change.

--Ads--

Nakiisa rin sa protesta ang ilang grupong sumasalungat sa umano’y paggamit ng teknolohiya ng Microsoft ng militar ng Israel para sa surveillance at mga operasyong militar.

Bahagi ang pagkilos ng mas malawak na kampanyang nananawagan ng mas mahigpit na regulasyon sa pagtatayo at pagpapatakbo ng mga data center sa Europa, partikular sa paggamit ng enerhiya at likas na yaman.