Ilang grupo ang nagtipon sa EDSA Shrine nitong Linggo upang igiit ang pananagutan sa mga sangkot umano sa korapsyon, isang araw bago ang ika-54 na paggunita sa deklarasyon ng Martial Law.
Bago nagtungo sa EDSA Shrine, nagsagawa muna ng motorcade ang civil society group na August Twenty One Movement patungo sa Korte Suprema sa Maynila upang ihayag ang kanilang pagtutol sa kamakailang pagbasura ng Supreme Court sa hatol na graft laban kay dating First Lady Imelda Romualdez Marcos.
Binaligtad ng Supreme Court ang conviction kay Marcos kaugnay ng umano’y financial interests nito sa pitong Swiss foundations, matapos nitong makita na hindi maaaring tanggapin at kulang sa probative value ang testimonial at documentary evidence ng prosekusyon.
Samantala, nagmartsa rin patungo sa EDSA Shrine ang ilang grupo mula sa House of Representatives sa Quezon City upang iprotesta ang umano’y anomalya sa mga flood control projects sa bansa.
Iginigiit din ng mga grupo ang pagtigil sa job contractualization at political dynasty.
Nagtipon naman ang isang grupo ng mga estudyante sa La Salle Greenhills sa Mandaluyong City bago nagtungo sa EDSA Shrine upang manawagan din ng pananagutan kaugnay ng flood control scandal.
Mahigit 15,000 pulis mula sa National Capital Region Police Office at mga kalapit na rehiyon ang idineploy mula Sabado ng gabi bilang paghahanda sa ika-54 na paggunita sa deklarasyon ng Martial Law ngayong Setyembre 21.











