--Ads--

Uunahing pagkalooban ng bagong laptop ng Department of Education (DepEd) ang mga guro sa pampublikong paaralan na hindi pa nakatatanggap ng kagamitan mula sa gobyerno o kanilang paaralan.

Magsisimula sa Nobyembre 9 ang pamamahagi ng 231,725 laptop sa ilalim ng programang Laptops for Teachers (L4T), na binubuo ng 169,008 Mac-based at 62,717 Windows-based units.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nagtakda na ang ahensya ng mga pamantayan sa pagpili upang matiyak na mapupunta ang mga laptop sa mga gurong higit na nangangailangan nito.

Unang bibigyang-prayoridad ang mga paaralang hindi pa nakikinabang sa naturang programa, partikular ang mga gurong wala pang natatanggap na laptop mula sa anumang programa ng pamahalaan o donasyon.

--Ads--

Kabilang din sa mga maaaring mapagkalooban ang mga gurong nasira o nawalan ng laptop dahil sa kalamidad o pagnanakaw.

Hindi isasaalang-alang ang tagal ng serbisyo sa pagpili ng mga benepisyaryo. Inatasan naman ang mga punong-guro at property custodian na isumite ang listahan ng mga tatanggap sa TALA platform bago o pagsapit ng Nobyembre 15.

Nilinaw ng DepEd na mananatiling pag-aari ng pamahalaan ang mga laptop at kailangang isauli ang mga ito sakaling malipat ang guro sa posisyong hindi na nangangailangan ng naturang kagamitan.