Isinusulong ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ang P10,000 across-the-board na dagdag sa buwanang basic salary ng mga guro sa pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 335 o “Dagdag Suweldo Para sa mga Guro” Act, lahat ng public school teachers ay makatatanggap ng karagdagang P10,000 sa kanilang buwanang sahod, anuman ang haba ng kanilang serbisyo.
Ayon kay Ejercito, mahalagang mabigyan ng mas magandang sahod ang mga guro dahil sa kanilang malaking papel sa edukasyon at sa mga hamong pangkabuhayan na kanilang kinakaharap.
Giit ng senador, hindi lamang pagtuturo ang responsibilidad ng mga guro dahil naghahanda rin sila ng lessons, nagche-check ng mga papel, gumagawa ng reports at gumagabay sa kanilang mga estudyante.
Naniniwala si Ejercito na ang pagpapabuti sa kabuhayan ng mga guro ay makatutulong din sa pagpapanatili ng mga ito sa public education system at sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa.





