Handa ang prosecution panel ng Kamara na tanungin sina Vice President Sara Duterte at ang kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sakaling ipatawag sila ng depensa bilang mga testigo sa impeachment trial.
Ayon kay prosecution spokesperson Atty. Jay Tolosa, nais nilang linawin ang mga transaksiyong pinansyal at ari-ariang iniuugnay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Kabilang sa mga nais nilang ipaliwanag ni Duterte ang pagkakaiba ng kaniyang idineklarang P98 milyong yaman sa SALN at karagdagang P100 milyon na lumitaw umano sa mga rekord ng transaksiyong inilahad sa paglilitis.
Samantala, nais ding usisain si Carpio hinggil sa kaniyang 47.5 porsiyentong pagmamay-ari sa Calle 88, na nakatanggap umano ng P319.3 milyong remittance mula China sa kabila ng pagkakaroon lamang ng dalawang empleyado.
Iginiit ni Tolosa na nakabatay sa ebidensya, at hindi sa kasikatan ng mga sangkot, ang dapat maging batayan ng paghatol sa kaso.
Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9, kung kailan sisimulan ng depensa ang paghaharap ng kanilang mga testigo at ebidensya.











