Pinuri ng People’s Budget Coalition (PBC) si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa pangakong palalakasin ang transparency sa proseso ng pagbuo at pagtalakay sa pambansang badyet.
Kasunod ito ng pakikipagpulong ng grupo kay Dy upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin ng Kamara para mapahusay ang pagsusuri at pagsisiwalat ng mga dokumento kaugnay ng mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon sa PBC, kabilang sa mga tinalakay ang pagbubukas sa publiko ng mga supporting documents at deliberasyon upang masuri ng mga taxpayer kung saan napupunta ang kanilang buwis.
Itinuturing naman ng grupo na mahalagang hakbang ang pakikipagdayalogo ng liderato ng Kamara sa mga civil society organizations at independent budget monitors, na nagpahayag ng mga alalahanin sa dokumentasyon, technical descriptions, at mga amyenda sa panukalang ₱6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2027.
Nauna nang sinabi ni Dy na bukas ang Kamara sa pagsisiwalat ng mga dokumentong sumusuporta sa mga proyekto, kabilang ang mga pag-aaral, technical specifications, lokasyon at validation ng mga implementing agency.
Ayon sa PBC, makatutulong ang naturang hakbang upang matukoy kung alin sa mga panukalang amyenda sa badyet ang may sapat na batayan at kung alin ang nangangailangan pa ng masusing pagsusuri.




