Umaasa ang Schools Division Office (SDO) ng Cauayan City na mabibigyan ng rain catcher system ang mga pampublikong paaralan sa lungsod upang magkaroon ng alternatibong mapagkukunan ng tubig sa panahon ng kalamidad at kakulangan sa suplay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joel Dela Cruz, Division Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Officer ng SDO Cauayan, sinabi nitong malaking tulong ang rain catcher system dahil maaaring magamit ang naipong tubig-ulan sa panahon ng pangangailangan.
Ayon kay Dela Cruz, bagama’t simple lamang ang konsepto ng pag-iipon ng tubig-ulan sa mga lalagyan, mahalaga ito upang hindi masayang ang tubig at magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ang mga komunidad.
Gayunman, nilinaw niyang wala pang naipagkakaloob na ganitong pasilidad sa mga paaralan sa ilalim ng kanilang dibisyon at sa mga kabahayan pa lamang ito kasalukuyang naipatutupad.
Umaasa naman ang opisyal na mabigyan din ng rain catcher system ang mga pampublikong paaralan upang mapakinabangan ng mga mag-aaral at kawani, partikular sa panahon ng emergency o pagkaantala ng regular na suplay ng tubig.
Ang rain catcher system ay isang paraan ng pangongolekta at pag-iimbak ng tubig-ulan na maaaring magsilbing alternatibong suplay ng tubig para sa paglilinis at iba pang pangangailangan sa paaralan. Kinakailangan lamang na dumaan sa wastong treatment at pagsusuri ang tubig bago ito gamitin bilang inumin.






