--Ads--

‎Paiigtingin ng Barangay District 1 sa Cauayan City ang kampanya laban sa mga motorsiklong gumagamit ng maiingay na tambutso kasunod ng patuloy na mga reklamong natatanggap mula sa mga residente.
‎
‎Kaugnay nito, nakatakda ring mag-ikot ang mga opisyal at barangay tanod sa iba’t ibang purok upang matukoy at masita ang mga motorista na gumagamit ng mga tambutsong nagdudulot ng sobrang ingay sa kanilang komunidad.
‎
‎Ayon kay Barangay Captain Marc De Joya, matagal nang umiiral sa kanilang lugar ang ordinansang nagbabawal sa paggamit ng mga exhaust pipe na lumilikha ng nakakabinging ingay, subalit patuloy pa rin ang mga paglabag na inirereklamo ng mga residente.
‎
‎Nakasaad sa Barangay Ordinance No. 004, Series of 2011, na ini-sponsor ni dating Kagawad Santiago F. Balmilero at sinuportahan naman ni Kagawad Ceferino Dalog, ang pagbabawal sa paggamit ng mga tambutsong lumilikha ng sobrang lakas na ingay.
‎
‎Layunin ng ordinansa na mapanatili ang katahimikan sa barangay, lalo na’t ang mga exhaust power pipe ay karaniwang ginagamit sa mga drag racing competition at hindi sa normal na pagbiyahe sa kalsada.
‎
‎Batay sa Section 3 ng naturang ordinansa, saklaw nito ang mga pribadong may-ari ng motorsiklo na naninirahan sa loob ng nasasakupan ng Barangay District 1 sa Cauayan City.
‎
‎Sa ilalim naman ng Section 4, unang paglabag ay may katapat na reprimand o pagsaway, habang dalawang daang piso o katumbas na walong oras na community service ang parusa sa ikalawang paglabag.
‎
‎Sa ikatlong paglabag, limang daang piso o katumbas na labing-anim na oras na community service ang nakasaad na parusa.
‎
‎Samantala, nagkaroon na rin ng digital sound level meter o decibel meter ang barangay na gagamitin sa pagsukat ng antas ng ingay na nagmumula sa mga tambutso ng motorsiklo.
‎
‎Gayunman, hindi pa ito aktuwal na nagagamit dahil nais munang matiyak ng barangay na may sapat na kaalaman ang mga opisyal at tanod sa wastong paggamit nito bago magsagawa ng mas mahigpit na pagpapatupad.
‎
‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay De Joya, sinabi nitong humingi na sila ng tulong sa Philippine National Police o PNP upang mabigyan ng pagsasanay ang mga barangay officials at tanod hinggil sa tamang paggamit ng naturang kagamitan at maayos na pagsita sa mga lumalabag.
‎
‎Dagdag pa ng opisyal, nagkaroon na rin ng committee hearing sa City Council kaugnay ng kanilang kahilingan para sa pagsasanay, habang nakatakda namang talakayin sa susunod na sesyon ng Sangguniang Barangay ang planong pagrerebisa sa umiiral na ordinansa upang mapag-aralan ang pagpapabigat sa mga parusa.
‎‎
‎Samantala, inihayag ni De Joya na mayroon na silang naitalang mga motorista na nasita dahil sa paggamit ng maiingay na tambutso, kabilang ang mga menor de edad at kabataan.
‎
‎Sa mga pagkakataong menor de edad ang sangkot, ipinapatawag ng barangay ang kanilang mga magulang upang ipaalam ang paglabag at paalalahanan ang mga ito na gabayan ang kanilang mga anak.
‎
‎May ilan na rin umanong sumunod sa paalala ng barangay at kusang ibinalik sa orihinal o stock configuration ang kanilang mga tambutso upang hindi na makaabala sa ibang residente.
‎
‎Ayon sa barangay captain, ilan sa mga kabataang nasita ay nagsabing ginagamit nila ang maiingay na tambutso upang mapansin, nang hindi namamalayang nakaaabala na pala sila sa kanilang mga kapitbahay.
‎
‎Dahil dito, nais ng barangay na mas maging istrikto sa pagpapatupad ng ordinansa at magsagawa ng pag-iikot sa lahat ng purok sa District 1 upang mabigyan ng paunang babala ang mga motorista.
‎
‎Ipinaliwanag din ni De Joya na matapos ang pagsasanay at ang mga kinakailangang hakbang kaugnay ng ordinansa, mas mahigpit na nilang susubaybayan ang mga motorsiklo, lalo na ang mga nauna nang nasita ngunit patuloy pa ring gumagamit ng ipinagbabawal na tambutso.
‎
‎Umaasa naman ang barangay na sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng ordinansa at pakikipagtulungan ng mga motorista ay mababawasan ang mga reklamo at mapananatili ang katahimikan sa Barangay District 1.