--Ads--

Pinalalakas ng Cauayan City Youth Parliament ang partisipasyon ng kabataan sa lokal na pamamahala sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga ordinansa at resolusyong tutugon sa mga pangangailangan at suliranin ng kanilang komunidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Xander Jake Paclarin, chairperson ng grupo, sinabi niyang nagsisilbing plataporma ang Youth Parliament upang makapagpanukala ang mga kabataan ng mga programang makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad.

Ayon kay Paclarin, nakapagsumite ang grupo ng isang panukalang ordinansa sa Sangguniang Panlungsod noong nakaraang taon na patuloy pang dumaraan sa proseso ng pagtalakay at pag-apruba. Nakatuon umano ito sa pagpapabuti ng pagtugon sa mga sakuna sa lungsod.

Kabilang din sa mga isyung tinatalakay ng Youth Parliament ang inclusive community, good governance, agrikultura at active participation.

--Ads--

Binigyang-diin ni Paclarin na mahalaga ang programa dahil nabibigyan nito ang kabataan ng pagkakataong maipahayag ang kanilang mga hinaing, ideya at mungkahi hinggil sa mga isyung nakaaapekto sa kanilang komunidad.

Sa pamamagitan ng Youth Parliament, layong higit na mapalakas ang papel ng kabataan sa mga talakayan at pagpapasyang makaaapekto sa kanilang kinabukasan at sa pag-unlad ng Cauayan City.