Nabigo si Alex Eala na masungkit ang ikalawa sana niyang WTA title matapos matalo sa American player na si Claire Liu, 3-6, 0-6, sa final ng Hong Kong Open.
Sa kabila ng pagkatalo, nanatiling positibo at magalang si Eala, na binati si Liu sa pagkamit ng kauna-unahan nitong tour title.
Naging dikdikan ang unang set hanggang sa magtabla sa 3-3, bago tuluyang nakalamang si Liu sa pamamagitan ng matatag na service game.
Bago nakarating sa final, dumaan muna si Eala sa sunod-sunod na mahihirap na laban, kabilang ang matagal na semifinal match kontra sa dating world number three na si Maria Sakkari.
Posibleng nakaapekto rin sa kondisyon ng Pinay tennis star ang sunod-sunod na laban. Sa ikalawang set, humingi siya ng medical timeout habang nahuhuli sa 0-4 at nilagyan ng benda ang kaniyang kanang hita. Paminsan-minsan din siyang nahirapang gumalaw, ngunit ipinagpatuloy pa rin ang laban.
Tumagal nang mahigit 26 minuto ang unang game ng ikalawang set, kung saan nagkaroon si Eala ng pitong pagkakataong makuha ang lamang at nailigtas ang apat na break point. Gayunman, tuluyang nakuha ni Liu ang game matapos tumama sa net ang backhand shot ni Eala.
Sa kabila ng pagkatalo, nagpasalamat si Eala sa mga tagahanga na patuloy na sumusuporta sa kaniya, at sinabing malaki ang kahulugan ng kanilang suporta sa kaniyang karera.











