Pasok na sa championship match ng Hong Kong Open si Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala matapos talunin ang world No. 30 na si Maria Sakkari ng Greece sa kanilang semifinal match nitong Sabado.
Naitala ni Eala ang 7-5, 3-6, 6-4 na panalo sa isang dikdikang laban na ilang beses na naantala dahil sa pag-ulan.
Nakuha ng 21-anyos na si Eala ang unang set, 7-5, matapos makabawi mula sa 4-5 na kalamangan ni Sakkari. Gayunman, nakabawi ang Greek player sa ikalawang set, 6-3, upang itulak ang laban sa deciding set.
Sa huling set, nakalamang agad si Eala ng 3-0 at napalawak pa ito sa 4-1, ngunit nakahabol si Sakkari upang maitabla ang iskor sa 4-all.
Sa kabila nito, nanatiling kalmado ang Filipina at nakuha ang huling dalawang laro upang tuluyang selyuhan ang panalo.
Ito ang unang pagkakataon na makapasok si Eala sa championship match sa Asian Swing at una niyang finals appearance mula nang masungkit ang titulo sa Mubadala DC Open noong Agosto.
Makakaharap niya sa finals ngayong Linggo ang Amerikanang si Claire Liu para sa pagkakataong makuha ang titulo.











