Nagulantang ang pamilya ng isang driver ng pampasaherong van matapos itong masawi nang bumangga ang minamanehong sasakyan sa likurang bahagi ng isang SUV sa Barangay Burgos, Alicia, Isabela, nitong Linggo, Nobyembre 15.
Kinilala ang nasawing driver na si Jayson Hidalgo, 44-anyos, residente ng Centro West, Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Danilo Reyes, biyenan ng nasawing driver, ibinahagi nito ang pagkakakilala niya sa kanyang manugang at ang naging reaksiyon ng kanilang pamilya nang mabalitaan ang malagim na aksidente.
Ayon kay Reyes, hindi na umano maganda ang pakiramdam ng kanyang manugang simula pa kagabi kaya pinayuhan niya itong magpahinga kahit isang araw lamang. Gayunman, hindi ito pumayag dahil mayroon pa umano itong mga bayarin na kailangang asikasuhin.
Samantala, ayon sa Alicia Police Station, naganap ang aksidente dakong alas-10 ng umaga sa National Highway, Barangay Burgos, kung saan kapwa patungong Cauayan City ang SUV at pampasaherong van.
Batay sa paunang imbestigasyon, bumagal ang SUV upang lumiko pakanan nang salpukin ito ng van sa likurang bahagi.
Agad na rumesponde ang Rescue 531 at isinugod sa Tomas-Cacal Medical Hospital ang mga nasugatan, subalit idineklarang dead on arrival ang driver ng van.
Nagtamo naman ng iba’t ibang pinsala ang ilan sa mga pasahero nito, habang hindi nasaktan ang driver ng SUV at ang dalawa nitong kasamang sakay.
Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan na hindi pa natutukoy ang halaga. Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.
Matatandaan na nasawi ang driver ng isang pampasaherong van habang sugatan naman ang tatlo nitong pasahero matapos sumalpok sa isang SUV sa national highway ng Burgos, Alicia, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa bystander na si Hiddikel Soto, sinabi nitong kapwa binabagtas ng SUV at van ang national highway patungong northbound direction, kung saan nauuna ang SUV at sinusundan naman ito ng van.
Pagdating sa tapat ng kanilang bahay, nag-flasher umano ang SUV bago nagmaniobra upang lumiko pakaliwa. Gayunman, sumalpok ang van sa likurang bahagi nito.
Dahil sa lakas ng impact, nawasak ang harapang bahagi ng van dahilan upang magtamo ng matinding pinsala ang driver nito na nagresulta sa kanyang pagkasawi.
Ayon kay Soto, tatlo sa limang pasahero ng van ang nagtamo rin ng mga sugat sa katawan.
Wasak din ang likurang bahagi ng SUV kung saan nasaktan din umano ang isang batang sakay nito na noon ay nasa backseat.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente upang matukoy ang buong pangyayari.
Samantala, nagbigay naman ng kanyang salaysay ang driver ng SUV na si Roberto Vidad Jr. kaugnay ng aksidente.
Ayon kay Vidad, galing sila sa Santiago City at pauwi na sa kanilang bahay nang mag-flasher siya bilang senyales na liliko pakaliwa. Gayunman, bigla na lamang umanong bumangga sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan ang kasunod na pampasaherong van.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga motorista na iwasan ang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan at panatilihin ang pokus habang nagmamaneho upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.











