--Ads--

Nasawi ang driver ng isang pampasaherong van habang sugatan naman ang tatlo nitong pasahero matapos sumalpok sa isang SUV sa national highway ng Burgos, Alicia, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa bystander na si Hiddikel Soto, sinabi nitong kapwa binabagtas ng SUV at van ang national highway patungong northbound direction, kung saan nauuna ang SUV at sinusundan naman ito ng van.

Pagdating sa tapat ng kanilang bahay, nag-flasher umano ang SUV bago nagmaniobra upang lumiko pakaliwa. Gayunman, sumalpok ang van sa likurang bahagi nito.

Dahil sa lakas ng impact, nawasak ang harapang bahagi ng van dahilan upang magtamo ng matinding pinsala ang driver nito na nagresulta sa kanyang pagkasawi.

--Ads--

Ayon kay Soto, tatlo sa limang pasahero ng van ang nagtamo rin ng mga sugat sa katawan.

Wasak din ang likurang bahagi ng SUV kung saan nasaktan din umano ang isang batang sakay nito na noon ay nasa backseat.

Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente upang matukoy ang buong pangyayari.