Umabot sa 3,324 indibidwal ang nakinabang sa iba’t ibang programang pangkalusugan ng City Health Office III sa Cauayan City ngayong 2026.
Sa ulat na inilahad ni Errol Rudolph Maximo, na nagsalita sa ngalan ni CHO III Head Dr. Harold D. Bañez, patuloy na naihahatid ng kanilang tanggapan ang mga serbisyong pangkalusugan sa 16 na barangay sa lungsod na may tinatayang populasyon na 45,309.
Binubuo ang CHO III ng 33 kawani, kabilang ang 21 organic personnel, isang circulating dentist, tatlong Contract of Service (COS) encoders, pitong Human Resources for Health personnel mula sa Department of Health, at isang COS medical officer.
Batay sa kanilang accomplishment report, kabilang sa mga naisakatuparang programa ang PhilHealth YAKAP Gamot Launching na may 65 benepisyaryo, kung saan 15 ang lalaki at 50 ang babae.
Sa YAKAP TB Caravan naman, umabot sa 783 ang benepisyaryo, kabilang ang 209 lalaki at 574 babae.
Pinakamarami naman ang nakinabang sa National Oral Health Month na umabot sa 2,278 indibidwal, kung saan 1,060 ang lalaki at 1,218 ang babae.
Samantala, 30 babae ang nakinabang sa Women’s Health Check, habang wala namang naitalang lalaking benepisyaryo sa naturang programa.
Sa iClinicSys Training and Orientation, nakapagtala ang tanggapan ng 58 benepisyaryo, na binubuo ng siyam na lalaki at 49 na babae.
Habang sa MR-SIA program para sa mga batang edad anim hanggang 59 na buwan, umabot sa 110 ang benepisyaryo, kabilang ang walong lalaki at 102 babae.
Sa kabuuan, 1,301 ang lalaking benepisyaryo habang 2,023 naman ang babae.
Bukod sa mga programang naipatupad, nakasaad din sa ulat na kinikilala ang CHO III bilang isang Accredited TB-DOTS Facility, bukod pa sa iba nitong akreditasyon at serbisyong pangkalusugan.
Patuloy namang isinusulong ng tanggapan ang iba’t ibang programa upang matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga residente sa 16 na barangay na nasasakupan nito.











