--Ads--

Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa pampublikong pamilihan at bagsakan, kasabay ng panawagan sa mga nagtitinda na gampanan ang kanilang bahagi sa pagtugon sa suliranin ng hindi kanais-nais na amoy at pagpapanatili ng sanitary condition sa wet section.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Ginoong Mario De Guzman II, City Environment and Natural Resources Officer (CENRO) ng Santiago City, sinabi niyang regular na isinasagawa ng kanilang tanggapan ang quarterly clean-up operations sa palengke at bagsakan upang matiyak na nananatiling maayos at kaaya-aya ang kalagayan ng mga pasilidad.

‎Gayunman, inamin ng opisyal na nananatiling hamon ang pagpigil sa paglaganap ng masangsang na amoy sa wet section dahil sa katangian ng mga produktong ibinebenta rito, partikular ang mga isda at karne, na madaling mag-iwan ng amoy kung hindi agad nalilinis nang maayos ang mga puwesto.

‎Bagama’t nakatulong ang rehabilitasyon ng wet section upang mapadali ang pagpapanatili ng kalinisan, sinabi ni Ginoong De Guzman na hindi pa rin maikakaila na may ilang nagtitinda na nagkukulang sa regular na paglilinis ng kanilang mga puwesto, dahilan upang manawagan ang pamahalaang lungsod ng mas aktibong partisipasyon mula sa mga ito.
‎‎
‎Kasabay nito, hinikayat ng opisyal ang mga nagtitinda na magsagawa ng masusing paglilinis at paggamit ng disinfectant sa pagtatapos ng bawat araw ng operasyon upang maiwasan ang paglala ng problema sa sanitasyon.

‎Samantala, tiniyak ni Ginoong De Guzman na patuloy na nagsasagawa ng mahigpit na pagbabantay ang City Health Office at ang Joint Inspection Team upang agad na matukoy at mabigyan ng kaukulang aksyon ang mga puwestong posibleng maging banta sa kalusugan dahil sa hindi maayos na sanitary conditions.