--Ads--

Ibinasura ng Fifth Division ng Sandiganbayan ang mosyon para sa muling pagsasaalang-alang na inihain ng kampo ni Senator Jinggoy Estrada laban sa ikalawang 90-araw na preventive suspension na ipinataw sa kanya kaugnay ng umano’y flood control anomaly.

Sa resolusyon na isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeses, nilinaw ng korte na magkahiwalay at magkakaiba ang mga kasong dinidinig ng Fifth Division at Second Division.

Una nang sinuspinde si Estrada nang 90 araw ng Second Division noong Hunyo 2026, bago maglabas ng panibagong kautusan ang Fifth Division nitong Oktubre.

Kinuwestiyon ni Estrada ang ikalawang suspensyon dahil magreresulta umano ito sa kabuuang 180 araw na pagkakasuspinde sa kanya.

--Ads--

Gayunman, iginiit ng Fifth Division na tungkulin ng korte ang pagpataw ng preventive suspension alinsunod sa batas.

Samantala, sinuportahan ng Office of the Ombudsman ang desisyon, at nilinaw na ang preventive suspension ay hakbang upang mapangalagaan ang proseso ng paglilitis at hindi nangangahulugang napatunayan na ang pagkakasala ng senador.