--Ads--

Tinatayang nasa 15 milion copies na ang na-preorder ng pinakaaabangang video game na Grand Theft Auto VI o GTA VI, bago ang opisyal nitong release sa Nobyembre 19.

Batay sa datos ng market research firm na Sensor Tower, umabot na sa naturang bilang ang advance orders para sa laro.

Kinumpirma rin ni Take-Two Interactive Chief Executive Officer Strauss Zelnick sa mga investor na nasa “unprecedented levels” o hindi pa nararanasang antas ang preorders ng GTA VI.

Itinuturing na isa sa pinakamalalaking event sa video game industry ang paglulunsad nito, lalo’t mahigit 13 taon na ang lumipas mula nang ilabas ang naunang installment na GTA V noong 2013.

--Ads--

Ayon sa mga beteranong video game industry journalists, inaasahang magiging matagumpay nang husto ang bagong laro dahil sa matagal na paghihintay ng mga fans at patuloy na popularity ng franchise.

Matatandaang kumita ng isang bilyong dolyar ang GTA V sa loob lamang ng tatlong araw matapos itong ilabas. Ayon sa Take-Two Interactive, halos 235 milion copies na ng laro ang naibenta sa buong mundo.

Samantala, tinatayang aabot sa mahigit isang bilyong dolyar ang production cost ng GTA VI. Tampok dito ang mas detalyadong virtual city at bagong storyline na umiikot sa isang criminal couple.

Dahil sa inaasahang malaking atensyon na makukuha ng GTA VI, may ilang game publishers at movie studios umanong nagpasiyang iwasang isabay ang paglulunsad ng kanilang mga bagong games upang hindi makipagkompetensya sa inaasahang matinding interes ng publiko.