Labinsiyam na katao ang nasawi matapos na bumagsak ang isang Russian military transport aircraft sa Kemerovo region sa southwestern Siberia, Russia.
Ayon sa Russian Defense Ministry, bumagsak ang Antonov An-12 habang nagsasagawa ng regular na flight sa isang hindi mataong lugar malapit sa village ng Yagunovo noong Martes, Nobyembre 17.
Lahat ng 19 na sakay nito, kabilang ang mga crew, ay nasawi. Paunang imbestigasyon naman ang tumukoy sa technical malfunction bilang posibleng sanhi ng pagbagsak.
Agad na rumesponde ang mga emergency crew at naapula ang sunog sa crash site. Nagsimula na rin ang Russian Aerospace Forces at mga imbestigador sa pagsusuri sa wreckage upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.
Ang An-12 ay Soviet-designed, four-engine turboprop military transport aircraft na ginagamit sa pagdadala ng mga tauhan at kagamitan.





