--Ads--

Nilinaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi bahagi ng mga aktibidad sa pagbisita ni United States President Donald Trump sa Pilipinas ang paglagda sa kasunduang may kaugnayan sa Pax Silica Initiative.

Nauna nang lumutang ang posibilidad na maisasakatuparan ang naturang kasunduan sa pagbisita ni Trump sa bansa sa gitna ng pagdaraos ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Ang Pax Silica ay isang inisyatiba ng United States na naglalayong palakasin ang seguridad ng global supply chain para sa mga kritikal na teknolohiya, kabilang ang semiconductors, artificial intelligence (AI) at iba pang advanced technologies.

Kaugnay nito, planong magtatag ng industrial hub sa New Clark City sa Capas, Tarlac, na inaasahang maghahatid ng mga bagong pamumuhunan at oportunidad sa trabaho.

--Ads--

Ayon naman kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, hindi muna isasama sa bilateral meeting nina Marcos at Trump ang usapin ng Pax Silica dahil kailangan pang pag-aralan ang mga probisyon nito, partikular ang mga kondisyong inilalatag ng US at ang mga maaaring tanggapin ng Pilipinas.

Tiniyak din ni Romualdez na nais ng Pangulo na maging malinaw at transparent ang proseso sa halip na madaliin ang pagpasok sa kasunduan.

Samantala, nagpahayag ng pangamba ang ilang grupo sa posibleng epekto ng planong industrial hub sa kapaligiran, suplay ng tubig at kuryente, gayundin sa mga katutubo at residenteng maaaring maapektuhan ng proyekto.